KOBE BEAN BRYANT, 41

KOBE BEAN BRYANT, 41
DEAR BASKETBALL Kobe Bryant's legacy went beyond basketball, he became an icon of a generation in need of an identity
14 May 2010

PEACE OFFERING Villanueva on Presidency
Hindi ko na sana papatulan ang isyung ito. Hindi ko na sana bibigyan ng ibang kahulugan ang nais iparating ng Bangon Pilipinas, ang political party ng natalong presidentiable na si Eddie Villanueva, kung ano ang plano at gagawin nila kung sakaling manalo ang kanilang presidential bet noong nakaraang eleksyon. At hindi ko na sana aabangan ang susunod nilang hakbang matapos nangungulelat ang kanilang standard bearer ilang oras matapos ang kasaysayang automated election, dahil noon pa man ay hindi ako sadyang kumbensido na ang isang Bro. Eddie ay may kakayahang mamuno sa isang political arena.

Subalit ako'y namamangha sa kanilang pagpupursige na ang umano'y political party na kanilang itinatag ay may angking solusyon upang tugunan ang lumalalang sistema ng pulitika ng bansa sa pamamagitan ng mala-inosenteng, mala-Kristiyanong approach na pinamumunoan ng kanilang lider, ang two-timer na presidential aspirant na pastor ng Jesus is Lord Movement, na siyang ginawan pa ng rap jingle ni Gloc 9.

Kung tutuusin, ang pagyayaring ito, sa aking pananaw, ay isang napakalaking kahibangan. Hindi ko lubos maisip kung anong klaseng sistema ang meron sa isang alagad ng Diyos na nagnanais umanong maglingkod sa isang mapamasalimuot na kapaligiran na tulad ng pulitika. Ipagpalagay na natin na talagang malinis ang intensyon ni Bro. Eddie na gagawin niya ang lahat upang puksain ang lumalalang problema ng korupsyon sa pamamagitan ng kanyang "moral recovery" program. Pero sadyang inilalagay niya ang kanyang sarili sa isang napakaselan na posisyon na kung ang pag-rereporma mismo ng kasalukuyang sistema ng pulitika ay nagdudulot ng matinding hidwaan sa loob at labas ng Malacanang, paano pa kaya kung sadyang i-rerecover ito ng isang "inspired" lider na ang tanging alam lang ay ang morale na aspeto ng paglilingkod?

Kaya nga nais kung ulitin na ako'y talagang namamangha kay Bro. Eddie Villanueva sa kanyang natatanging determinasyon na tumakbo bilang isang pangulo ng bansa. Ito'y isang determinasyon na dapat tularan ng lahat ng lider, hindi lamang sa pulitika, kundi pati na rin sa kani-kanilang advocacy: ang natatanging tapang kahit pa man alam nating limitado ang resources at reaksyon nito at ang walang humpay na lakas ng loob kahit pa man nangungulelat na ito hindi pa man nagsimula ang kampanya.

Naway ang sinapit ni Bro. Eddie ay hindi magiging isang "bad advertisement" ng kanyang Diyos at lalo na sa kanyang mga supporters at prayer warriors. Sana'y maiintindihan nila na ang pagiging political aspirant ng kanilang standard bearer ay mananatiling "aspiring" magpakailanman, dahil inilalagay niya ang buong sambayanan, kung sakaling manalo siya bilang isang pangulo, sa isang napakalaking "cell group" kung saan ay nakasalalay lamang umano ang takbo ng sistema sa pamamagitan ng panalangin at Bibliya.

Kaya siguro hindi pinahihintulutan ng Diyos na manalo ang kanyang alagad kahit pa man ito’y isang malakas umanong kandidato ng mga absentee voters. Mapapahiya lamang ang Diyos na ito kung magkakaroon na ng isang economic crisis at tutugunan lamang ito ng matinding malay at pananampalataya upang sa ganun ay maibsang ang naghihikahos nating stock market. Mapapahiya lamang ang Diyos na ito kung magkakaroon ng isang political instability na kagaya ng coup d’ etat at tutugunan lamang ito ng isang prayer rally upang pigilan ang rumaragasang bala ng mga oportunista. Mapapahiya lamang ang Diyos na ito kung magkakaroon ng isang impeachment complaint at tutugunan lamang ito ng isang matinding quiet time at bible study upang sa ganun ay maliwanagan ang lahat ng pumirma ng complaint. Kaya siguro hindi pinahihintulutan ng Diyos si Bro. Eddie na mamamayagpag sa bilangan, opisyal man o hindi, may pandaraya man o wala, at kung malinis man ang intension o hindi.

Noong 1988, hindi pa man nagsimula ang total solar eclipse na tatama mismo sa lungsod ng Davao, ang congregation ng Jesus is Lord Movement (hindi ko lang matandaan kung naging national ang prediksyon nila) ay isa sa mga sekta na naghahanda na sa pagbabalik umano ni Hesu Kristo, at ang solar eclipse na ito ang siyang simbola ng kanyang pagbabalik. Subalit naging masaklap ang kanilang paghahanda sa kadahilanang hindi nakasipot ang inaasahang pagbabalik ng kanilang Panginoon. Ang maselan na forecasting na ito ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon sa pamamagitan ng pagpupursige, na kung si Susan Roces ang tatanungin ay, “not once, but twice”, sa isang posisyon na sadyang madilim, na tulad ng “eclipse”, para kay Bro. Eddie Villanueva.

Alam kong isang seryosong pangangampanya ang nagawa ni Bro. Eddie sa nakalipas na eleksyon. Alam kong ibig niyang isalaysay sa lahat na kinakailangan ng isang moral lider sa isang napaka-imoral umano na takbo ng kasalukuyang sistema. Alam kong may magagawa siya sa ikauunlad ng pananaw at kumpiyansa ng bawat isa sa mga problemang nagpapabigat ng kanilang saloobin at sitwasyon. Alam ko, dahil na rin ako’y isang kapanalig na tulad niya, na kinakailangan din nating kumain ng literal na tinapay upang lalo nating maiintindihan kung ano ang sinasabi ng ating Panginoon.

Pero kinakailangan pa ba niyang tumakbo ng pangatlong beses upang marinig niyang lalo ang pangatlong tuka ng manok na siyang sinapit ni San Pedro? Kinakailangan pa ba niyang tumakbo ng pangatlong beses upang marinig niyang lalo ang tatlong tanong ni Hesus kay San Pedro matapos tinanggihan siya nito? Kinakailangan pa ba niyang tumakbo ng pangatlong beses upang makabangon uli sa lungga ng pulitika bago siya mabasbasan muli umano ng katinuan?

Ako’y nanalangin na ito’y isang huling pagpupursige na ni Bro. Eddie sa mundo ng pulitika. Sa palagay ko siya’y magiging epektibo kung pagtutuonan na lamang niya ng pansin ang pagpapahalaga ng mga espiritwal na bagay, hindi lamang sa kasalukuyan, kundi lalo na umano para sa kabilang buhay. Sadyang hindi naaangkop ang kanyang intensyon at eksekusyon kung pagbabatayin natin ang kasalukuyang takbo ng pulitika, dahil higit pa sa isang “morale program” ang kinakailangan sa suliraning ito, lalo na sa ekonomiya at partikular na sa ating kalakal at negosyo.

Kaya siguro minabuti niyang isama bilang pangalawang pangulo ang abogado at dating Securities and Exchange Commission (SEC) chief na si Perfecto Yasay, dahil alam niyang limitado ang kanyang kapasidad kung pag-uusap ang lagay ng ekonomiya ng bansa. Subalit kahit pa man ihalo ang koneksyon at kagalingan umano ng isang Yasay ay magmimistulang isang maliit na kontribusyon lamang ang magagawa nito kung sakaling magtatagumpay ang kolaborasyon nila.

Hindi ko na sana papatulan ang isyung ito. Kaya ko lang binigyan ng pansin dahil ako’y lubos na naniniwala sa kasabihang “I am my brother’s keeper,” na ako’y may responsibilidad, kahit pa man siya’y naging tagapagsalita na ng Jesus is Lord Movement at ng Bangon Pilipinas, upang i-edify umano ang kapwa ko kapanalig sa mga panahong nakaka-experience ito ng isang matinding pagsubok na tulad ng sinapit niya nito lamang nakalipas na araw ng matalo siya sa eleksyon.

Hindi ako makakapayag na ang isang kapanalig, kung magiging pangulo, ay mapapahiya lamang sa isang pagpupulong dahil hindi naaangkop ang kanyang solusyon sa datus na ipinapakita ng kasalukuyang pamahalaan. Hindi ako makakapayag na ang isang kapanalig, kung magiging pangulo, ay mabubuking lamang sa isang pagtitipon dahil hindi naaangkop ang kanyang saloobin sa ipinapakitang asal ng kasalukuyang sistema. At lalong hindi ako makakapayag na ang isang kapanalig, kung magiging pangulo man ito, ay makakatikim at makakalasap lamang ng sarili nitong salita dahil kelan man ay hindi naaangkop ang kanyang intensyon at sistema kung ikukumpara ito sa kasalukuyang estado ng pulitika.

Ang huling lider na sumubok sa ganitong klaseng approach ay walang awang ipinako sa krus ilang milyong taon na ang nakalipas.

0 (mga) komento: